Ang “window-pane shell” o kapis (Placuna placenta) ay isang uri ng bivalve mollusk gaya ng tahong, talaba, kuhol, at tulya.
Ito ay kilala dahil sa matingkad na kulay ng kabibe nito. Kadalasan itong ginagawang parol, plorera, lamp shade, candle holder, window panes, chandeliers, at iba pang dekorasyon.
Ang Samal, Bataan ay isa sa mga munisipalidad na mayaman sa kapis. Kaya naman ang paggawa ng mga produktong yari sa kapis shell ang pangunahing pangkabuhayan ng mga mamamayan sa Bataan.
Liban dito, ginagamit din nila itong pangunahing sangkap sa mga pagkain gaya ng adobo, afritada, shanghai, at maging kapis chips at kropek.
Sinimulan ng KALIWANAG Rural Improvement Club o RIC, isang kooperatiba sa Samal, Bataan ang ideya sa paggawa ng kapis chips. Suportado ito ng proyektong “Technology Program and Utilization of Window Pane Oyster (Placuna placenta) Product” na pinondohan ng Bureau of Agricultural Research.
Ayon kay Dr. Lilian D. Garcia, regional director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3, ang kapis chips ay mas masustansya kaysa sa tahong dahil mas mayaman ito sa protina.
Sa kasalukuyan, mayroon nang original at sweet and spicy flavor ang kapis chips na mabibili sa mga pasalubong centers, at municipal at provincial tourism offices sa Samal, Bataan.