Ang adlay ay maaaring gawing alternatibong pagkain kapalit ng kanin. Isa ito sa mga pangunahing pagkain ng mga katutubong Pilipino sa maraming bahagi ng bansa. Matapos anihin, Ibinibilad at binabayo ito upang maihiwalay ang balat sa laman.
Maaari itong lutuin at ihain gaya ng bigas. Maaari din itong gawing sangkap sa sabaw at sopas dahil sa kaaya-ayang lasa nito.
Kadalasan itong ginagawang harina na ginagamit sa paggawa ng mga tinapay, lugaw, at maging sa paggawa ng mga pasta.
Ang mga pininong butil nito ay maaaring gawing kape at tsaa o kaya naman ay iimbak upang makagawa ng alak. Masustansya ang adlay.
Ayon sa Food and Nutrition Research Institute, ang 100 grams ng serving ng adlay ay may taglay na 73.9 grams na carbohydrates, 12.8 grams na protina, at 1.08 grams na fat. Mayaman din ito sa minerals tulad ng calcium, phosphorus, niacin, thiamine, riboflavin, at iron.
Dahil sa madaming benepisyong nakukuha sa adlay, ang Bureau of Agricultural Research ay nagsagawa ng isang research and development o R&D program ukol dito.
Ang programa ay tumatalakay sa paggamit ng adlay bilang altenatibong pagkain sa mga pagkaing nakasanayan ng mga Pinoy.
Layon din ng programang ito na magkaroon ng dagdag kita at pangkabuhayan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtuklas ng iba pang mga produktong maaaring magawa dito.