Napakahalaga ang ginagampanang papel ng mga kambing sa hanay ng agrikultura. Kung kaya, dahil sa malaking kontribusyon nito sa sector ng pagsasaka, unti-unti napukaw ang atensyon ng mga lokal at pribadong sektor para tangkilikin at higit na mapalago ang industriya ng kambing sa bansa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2010, ang pagaalaga ng kambing ang pangunahing pangkabuhayan ng 1.34 milyong Pilipino.
Dahil dito, isang pagaaral ang sinimulan ni Dr. Jovita Datuin, chief ng Research Division ng Department of Agriculture – Regional Field Office 1 (DARFO1) ukol sa pag-aalaga ng kambing gamit ang Goat Check System.
Ang proyektong ito ay ang tamang paraan ng feeding at housing management, breeding management, at health management. Kaakibat din ng Goat Check System ang pagdadagdag ng Urea Molasses Mineral Block o UMMB. Ang UMMB ay kombinasyon ng urea, molasses, rice bran, vitamin-mineral premix, at asin.
Ibinibigay ito sa mga kambing upang magkaroon ng sapat na mineral at vitamins, kailangan lang na di susobra ang pagbibigay nito dahil maaaring magdulot ito ng urea toxicity.
Dahil dito, mabusising pinag-aralan ni Dr. Datuin noong 2015 ang paggawa ng isang mineral ball bilang feed supplement para sa kambing.
Si Danilo Soria, isang farmer-cooperator mula sa San Ramon, Manaoag, Pangasinan ang sumubok sa nasabing mineral ball matapos mamatay ang kanyang 30 kambing dahil sa diarrhea (da-ya-ri-ya).
Ginamitan nya ng mineral balls ang kayang 12 natitirang kambing, na maganda naman ang naging resulta dahil mabilis ang paglaki ng mga ito, naging maganda ang kulay at pagtubo ng mga balahibo ng mga kambing.
Dahil sa magandang resulta ng kanyang experimento, pinarehistro ni Dr. Datuin ang kanyang mineral balls na pinangalanan bilang “Jovimin”.
Sinuportahan ito at pinondohan ng Bureau of Agricultural Research o BAR; at kinilala ng Bureau of Trademarks noong Setyembre 8, 2016 bilang mainam na paraan sa pagaalaga ng kambing.
Ibinida ang Jovimin balls sa national Organic Agriculture Congress o NOAC noong ika-24 ng Nobyembre 2016 sa Laoag City, Ilocos Norte. Dahil sa Jovimin balls, nabigyang solusyon ang pagpapanatili sa kalusugan ng mga kambing nang hindi gumagamit ng mga sintetikong kemikal.