Kinwestiyon ng kampo ni Cong. Marcy Teodoro ang isang resolusyon kaugnay ng mga reklamong isinampa laban sa kongresista sa Marikina Regional Trial Court. Kabilang sa mga reklamo ang apat na bilang ng rape through sexual assault at isang bilang ng acts of lasciviousness.
Ayon sa kampo ni Teodoro, dumaan sa imbestigasyon at mga pagdinig ang mga reklamo sa ilalim ng DOJ panel na kinabibilangan nina Senior Assistant State Prosecutor Anna Noreen T. Denavadera at Assistant State Prosecutor Ruth Anne P. Zamora.
Sinabi ng kampo na natapos na ang imbestigasyon mahigit pitong buwan na ang nakalilipas at ang orihinal na rekomendasyon umano ng panel ay ibasura ang mga reklamo.
Gayunman, isang hiwalay na resolusyon ang inilabas at nilagdaan ng ibang State Prosecutor. Dahil dito, nagpahayag ng pangamba ang kampo ni Teodoro na maaaring nagkaroon ng pagbabago sa orihinal na report at rekomendasyon ng DOJ panel.
Nakasaad naman sa resolusyon na ang mga usapin hinggil sa kredibilidad ng mga alegasyon at depensa ni Teodoro ay mas nararapat pagdesisyunan sa paglilitis sa harap ng hukuman.
Sinabi ng kampo ni Teodoro na handa siyang harapin ang buong proseso ng batas upang maipakita sa korte ang kanyang panig at matukoy ang katotohanan sa mga alegasyon laban sa kanya.
Binigyang-diin din ng kanyang kampo na ang kanilang paninindigan ay hindi lamang para kay Teodoro kundi para sa due process, hustisya at pananagutan.
Samantala, ang mga alegasyon laban sa kongresista ay mananatiling usapin para sa kaukulang proseso ng hustisya at pinal na paghatol ng hukuman.