Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Commission on Human Rights (CHR) sa pamamaril sa isang paaralan sa Tumaga, Zamboanga City noong Agosto 18 na ikinasawi ng dalawang menor de edad.
Ayon sa CHR, agad nagsagawa ng independent investigation ang kanilang Region IX office sa mismong araw ng insidente. Sa paunang imbestigasyon, dalawang Grade 7 students at mga baril ang sangkot sa insidente.
Iginiit ng komisyon ang pangangailangan ng masusing at patas na imbestigasyon, kabilang ang pag-alam kung paano nakakuha ng baril ang isang menor de edad at kung paano ito naipasok sa loob ng paaralan.
Nanawagan din ang CHR sa mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, paaralan, pamilya at komunidad na palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan at proteksyon ng mga bata, kabilang ang access sa psychosocial at mental health support at pagpigil sa pag-abot ng mga baril sa mga menor de edad.
Binigyang-diin ng komisyon na habang dapat managot ang sinumang sangkot sa karahasan, kailangang isaalang-alang ang edad at kalagayan ng batang nasangkot. Dapat ding suriin ang mga posibleng dahilan na nakaapekto sa insidente, gaya ng access sa baril, suporta ng pamilya at komunidad, kapaligiran sa paaralan at psychosocial well-being.
Nanawagan din ang CHR sa media na maging maingat sa pagbabalita at iwasang gawing sensasyonal ang insidente, maglabas ng graphic na larawan o detalye, at agad magbigay ng motibo o psychological condition nang walang sapat na batayan.
Hinimok din nito ang publiko na huwag magpakalat ng pangalan, larawan, video o iba pang impormasyon na maaaring makapaglantad sa mga batang sangkot o makadagdag sa kanilang paghihirap.
Ayon sa CHR, kailangang manatiling pangunahing konsiderasyon ang kapakanan at karapatan ng mga bata. Dapat pagsabayin ang pananagutan, proteksyon sa mga bata at pag-iwas sa karahasan upang matiyak na mananatiling ligtas na lugar para sa pagkatuto at pag-unlad ang bawat paaralan.